PAUNAWA SA BABASA



Kayo mga binata ang inaalayan ko nitong munting bunga nang pagod, kayo ang aking tinutungo, at ipinamamanhik sa inyo na ako’y pagdalitaang dinggin.

Kayo’y bagong natuntong sa pinto nitong malawak na mundo, gayak na pagitna sa mundo, ay dapat magsimpan nang gagamitin sa gitna nang mundo.

Ang panaho’y nagtutuling kaparis nang panganorin; at ang makaraan ay di na magsasauli, ang mawala sa mata ay di na muling makikita, kaya katampatan ang magsamantala, at na sa kapanahonang magtipon. Magsakit matutong makipagkapuwa tao, at nang di makimi sa gitna nang karamihan, at nang di ninyo ikahiya ang di karunungan.

Ang dunong na nag-tuturo sa tao nang pagharap sa kaniyang kapuwa, ay bunga nang pag-ibig sa kapwa tao: ang pag-ibig sa kapwa tao, ay bunga nang pag-ibig sa Dios, kaya ang na ibig sa Dios, ay marunong makipag kapwa tao, at sakali’t, di marunong ay magsasakit matuto; sapagka’t, batid na ang dunong na ito ay puno at mula nang magandang kaasalang kinalulugdan nang Dios.

Ang marunong makipagkapwa tao, ay maganda ang kaasalan; palibhasa’y, nag-iingat, ang kaniyang kilos, asal at pangungusap ay matuntong sa guhit nang di kapootan nang Dios, at kalugdan nang tao. Kaya ang karunungang ito ay hiyas sa isang dalaga, dangal sa isang ginoo, pamuti sa isang binata, dilag at karikitang kakambal nang magandang asal na ninihag nang puso.

Kayong mga ina naman, na may katungkulang magturo sa anak nang mga dakilang katotohanang pahayag nang Santo Evangelio, dapat ang kayo’y, magsakit tumupad nitong mabigat na katungkulan na ipagsusulit sa Dios.

Alalahanin na ang mga batang inyong anak ay kaparis nang bukong na ungos sa dulo nang halaman, kayo ang may alaga nang halamanan, ay katungkulan ninyo ang mag-ingat.

Pasikatan sa araw nang Santo Evangelio, diligin nang magandang aral sa pakikiharap sa tao, at pamumukadkad nang mga bulaklak na inyong alaga, ay makikita ninyong magsasambulat nang bango, sa gitna nang mundo na inyong pinagaalayan.

Na sa kapanahonan ay inyong pagsakitan, at ang aral na ito’y, kasabay nang gatas na ipasuso sa anak, pasundan nang mabuting halimbawa, halimbawang sa inyo’y, magisnan, at makikita ninyo na ang magandang aral ay magiging magaling na asal na di mabibitiwan kung di kasabay nang buhay.

Nguni kung inyong bayaan, palak-hing salat sa aral, hubad sa magandang asal, ay kapilitang ipagsusulit ninyo sa Dios, at pagdating nang panahon na sila’y, pagitna sa mundo, sa masamang waning sa kanila’y mamasdan, dalamhati ang inyong pupulutin, kayo ang sisisihin nang tao, at palibhasa’y, bunga nang inyong kapabayaan.

At sakali ma’t, sa edad na labing dalawa o labing apat na taon, sa isang Escuela, Colegio o sa isang Maestro, sila ay mag aral, matutuhan naman ang pinag aralan, kayo’y, maniwala’t, ang magandang asal na kanilang pinulot ay tulad sa hiram na damit saglit na isinoot at biglang hinubad: kawangki nang hiyas na isinadaliri, iniwan sa sulok ay agad nalimutan: kaparis nang kayong nagkukulay dilaq, nainitan nang araw, hinipan nang hangin, ay agad kumupas, at di nakalaban sa init at bilis.

Matamisin ang kaunting pagod sa inyong pagtuturo, at pagdating nang panahon na pag-anihan nang inyong mga anak ang magandang aral na ipinunla ninyo, ang hirap ay magiging tuwa.

At kung sa inyong magandang aral, ang mga anak ninyong dalaga sa gitna nang panganib sa mundu ay nakapag-iingat, ang mabangong bulaklak na kanilang puri ay di nalalanta, at pag dating nating panahon na sila’y, tumangap nang estado nang matrimonio, ay makitaa ninyo na sila’y, mababait na esposa, at marunong na ina nang kanila namang magiging anak, laki nang towa na inyong kakamtan!

Kung ang mga baguntao na inyong anak, sa inyong pagsasakit ay matutong matakot sa Dios, masunurin sa inyo, marunong makipagkapwa tao, magalang sa matatanda, mapagtiis sa kapwa binata, maalam bumagay sa tao sa mundo; at pagdating nang panahon na sila’y, maging esposo at ama, ay makitaan ninyo nang bait sa pakikisama sa kanilang esposa, nang dunong sa pagtuturo sa anak, saan di ang sila’y, kapurihan at karangalan ninyo.

Kung sila’y, tumangap nang anomang katungkulan at makita ninyo na marunong tumupad, maalam magpakita nang mahal na asal sa gitna nang mundo at kaginoohan, laki nang pagpupuri nang tao sa inyo! At ang pasasalamat nang inyong mga anak ay di matatapus hangan kayo’y, nabubuhay sa mundo at hangan sa matapus naman ang kanilang buhay sa mundo!

Ang halimbawang iniaalay sa inyo, ay isang familia o mag anak. Sa magkakapatid, na dito sa loob nang libro’y, aking sinasaysay, ipinatatanaw ko ang magandang pag aral nang magulang sa anak, at ang pagtanggap nang anak nang aral nang magulang.

Sa pangalang "Urbana" nababasa ang magaling na pakikipag kapwa tao. Sa kaniyang mga sulat sa kapatid na Feliza, ay makapupulot ang dalaga, makapag aaral ang bata, maka aaninaw ang may asawa, makatatahi  ang binata nang aral na bagay sa kalagayan nang isa’t, isa.

Kay Feliza, mag aaral ang dalaga nang pagilag sa panganib na ikasisira nang kalinisan; at ang kaniyang magandang asal ay magagawang uliran nang ibig mag ingat nang kabaitan at loob na matimtiman.
Sa mga sulat ni Urbana, na ukol sa pagtangap nang estado nang matrimonio, ang dalaga’y, makapagaaral, at gayon din ang baguntao, at makapupulot nang hatol sa dapat alinsunorin bago lumagay sa estado, at kung na sa estado na.

Sa mga sulat ni Feliza kay Urbana, na ang saysay; ay ang magandang asal nang kapatid na bunso na si Honesto, makapagaaral ang bata, at makatatanto nang kaniyang katungkulan sa Dios, pagkatanao nang kaliwanagan nang kanilang bait.

"Paombong" ang saysay: sa pagka’t, siya ang unang bayang pinautangan nang pagod. Bayang pinaghirapan, bayang minahal naman, at palibhasa’y, sa aral at pagod na aking ginugol, ay nakitaan nang masaganang pakinabang. Bayang lumagi sa loob; sa pagka’t, nakitaan naman nang magandang loob.

Ako’y, sinuyo mo at pinabaunan nang masaganang luha: ikaw ay maniwala at ang araw na iyo’y, di ko linilimot, ang perlas mong bubo ay aking dinampot, binucsan ang dibdib, at mag pa hangan ngayon ay iniingatan.

Mahigit sa sampuo ang nalakarang tauon, mag mula sa araw na yauon, nguni’y, sariwa ring parang kahapon.

Limbag ka sa dibdib, ay di ka nakatcot nang habang panahong limbis nang panimdim; at palibhasa’y, ang nag-iingat sa iyo’y, susi nang pag ibig.

At kung sa handog kong halimbawa, kayong mga ina ay magdalitang dumampot nang magandang aral, itanim sa loob at alinsunorin, at mapanood ko ang pakinabang nang inyong mga anak, sa inyong paghihirap sa aking pagsisikap, ay mahuhulaan kaya ninyo ang aking uiuikain?

Ang uiuikain ko’y, pinapalad ako, at ang kahalimbawa ko’y, nagsabog nang binhi, ay ang tinamaan ko ay mabuting lupa.

At sa kinakamtang kong towa ang nakakaparis ko’y, isang magsasakang cumita nang alio, uupo sa isang pilapil, nanood nang kaniyan halaman, at sa kaniyang palayan na parang inaalon sa hirap nang hangin, at sa bungang hinog na anaki butil na gintong nagbitin sa uhay, ay cumita nang saya.

Munti ang pagod ko, munti ang puyat ko; at palibhasa’y, kapus na sa lakas na sukat pagkungan, nguni ang pakinabang ko sa pagod at puyat ay na ibayuhan.

Kung kayo at ako disin ay palarin, ang towa ko’y, di hamak: at palibhasa’y, kung ako’y, patay na, at sa ilalim nang lupa’y, malilimutan na nang mundo; maganda ang iyong loob ay kahit miminsan ay masasambit din ang aking pangalan, at sa harapan nang Dios ay alalahanin nang isang _Responso o Ave Maria.

Ito at ang ako’y, papakinabangin sa iyong magagandang gawa, at ang aking pamanhic sa inyo, at siya rin naman ang sa akin ay inyong aasahan hangang nabubuhay sa mundo, at gayon din kung marapat makapanood sa Dios, kung matapos itong maralitang buhay.



No comments